Labanan sa Pasong Balite (Brgy. Gen. T. De Leon)

Mas kilala ngayon ang lugar na ito bilang Bahay-Pari, ngunit Pasong Balite ang unang tawag sa burol na ito na matatagpuan ngayon sa dulong timog ng Barangay Gen. T. De Leon. Pasong Balite dahil sa mga puno ng balite na dating nakatanim dito.Tinawag ngayon ito na Bahay-Pari mula sa ipinapalagay na kumbento ng mga paring Heswita na itinayo sa pinakamataas na bahagi ng burol na ito noong ika-18 dantaon. Batay sa Historical Data Papers tungkol sa Torres Bugallon (dating pangalan ng Barangay Gen. T. De Leon):

Mapa ng lokasyon ng Bahay-Pari, isang burol sa dulong timog ng Barangay Gen. T. De Leon

“The ruins of the Bahay-Pari in Pasong Balite still exist in the form of stone walls. This is said to be a Jesuit convent and the bridge… was said to be connected with a road to Manila via Tangke (in Malabon) and balintawak. The convent was believed to be constructed after the bridge.”

Mula sa burol na kinatirikan ng kumbentong ito, ay tanaw na ang Ilog Tulyahan. Matapos na mapaalis ang mga Heswita sa Pilipinas mula 1769-1771, ay naiwan na ang kumbentong ito. Hanggang sa kasalukuyan ay makikita pa ang mga naiwang batong adobe ng kumbento. Ayon sa Historical Data Papers:

“parts of the footings still exists. It was built across the Tuliahan River during the Spanish Regime (probably in the middle of the 18th century) by the Jesuits (according to traditions), connecting Pasong Balite (part of Torres Bugallon) and Barrio Tangke of the Municipality of Malabon (Rizal Province).”

Ang mga guho (ruins) ng Bahay Pari sa ibabaw ng burol ng Pasong Balite, at ang mga naiwang batong adobe ng kumbento

Mahalaga ang burol ng Bahay Pari dahil dito naganap ang isang labanan sa ng mga Katipunero sa pangunguna ni Brigedier Heneral Tiburcio De Leon, laban sa mga Guardia Civil na Kastila. Ginamit na taguan ng armas ng mga Katipunero ang mga guho ng lumang kumbento sa Bahay Pari. Napaalis ng mga Katipunero ang mga Espanyol sa labanang ito, ngunit naging dahilan ito upang sumabog ang taguan ng armas ng mga Pilipino, kung kaya tuluyan nang nawasak ang mga guho ng Bahay Pari. Ito ang labanan na pinangunahan ni Heneral Tibo, kung saan ay ipinangalan na sa kanya ang pangalan ng barangay na ito.

Bantayog ni Heneral Tiburcio de Leon na matatagpuan sa paaralang elementarya na ipinangalan sa kanya

Batay sa iba’t ibang liham hinggil sa insureksiyon na binanggit ni Mariano Ponce na nasa Hong Kong sa kanyang liham kay Ferdinand Blumentritt, Mayo 6, 1897, isinasaad dito na:

“Noong ika-30 ng Marso (1897), dakong alas-nuwebe ng umaga sa Pasong Balite (Polo, Bulacan), lumusob ang isang pangkat ng mga Kastila kasama ang ilang boluntaryo mula sa bayan ng Sta. Maria. Sinalubong sila ng 120 insurekto, sampu ng mga ito ang nakakabayo. Armado ang mga insurekto ng lantaka at iba pang uri ng armas. Tumagal ang labanan nang 5 oras hanggang sa nagsipag-atrasan ang mga Kastila sa sigaw ng “Viva Espana!” Iniwan nila ang 58 patay; kabilang dito ang kanilang pinunong kapitan at isang tenyente. Umabot sa 183 ang sugatan ng mga Kastila ayon sa 8 sugatang preso na kasalukuyang inaalagaan.”

“Noong ika-2 ng Abril, sinalakay muli ang Pasong Balite ng tropa mula sa Novaliches, San Francisco del Monte, Caloocan at Polo. Ipinagtanggol ni Capistrano kasama ng 50 Tagalog ang nabanggit na lugar. Tumagal nang pitong oras ang labanan. Nang makita ng mga Tagalog na paubos na ang kanilang bala, iniwan nila ang kanilang trintsera at tumakas patungo sa mga istratehikong lugar. Ito ay naganap matapos nilang sugatan ang 200 sa mga kalaban.”

Nakasaad rin sa Historical Data Papers ng Torres Bugallon na:

“The site of the ruins of this convent was the scene of a fierce battle between the Katipuneros under Briidier General Tiburcio de Leon, a native of the barrio, then known as Pugad baboy, and the Spanish Army aided by the Filipino Civil Guards. The members of the Spanish forces were killed to the last men but they succeeded in causing the explosion of the magazine of the fort built by the Katipuneros on the ruins of the convent bringing the total destruction of the fort with heavy Filipino casualties. The fort site became the common grave of the dead Filipinos and Spaniards.

FLAGS AND SYMBOLS OF THE KATIPUNAN - 5
Watawat ni Gregorio del Pilar na pinaniniwalaang unang ginamit sa Labanan sa Pasong Balite

Pinaniniwalaan rin na sa Labanan sa Pasong Balite unang iwinagayway at ginamit ang watawat ni Gregorio del Pilar na hawig sa kasalukuyang watawat natin ngayon.

Sa ginawa kong pakikipanayam sa mga apo ni Heneral Tiburcio de Leon, nabanggit nila na may isang lumang tulay na adobe na dating nakatindig pagbaba ng Bahay Pari, at tumatawid aa kabila ng Ilog Tulyahan. Napaisip ako nang nagkwento na sina Sis. Meling at Sir Rolly tungkol sa tulay na iyon. Oo nga naman, kung ang unang kalsada ng matandang bayan ng Polo ay ang M. H. De Pilar Street ngayon sa Polo, paano nga naman makapupunta ang mga Heswita sa noon ay liblib na lugar ng Bahay Pari? Kinumpirma rin nila na may mga nahukay silang mga kalansay ng tao sa ibabaw at paligid ng Bahay Pari noong sila ay nagpapatayo ng kanilang bahay.

(Maraming salamat kina Sis. Melita De Leon-Bonus at G. Rolando De Leon, mga apo ni Heneral Tiburcio De Leon sa kanyang panganay na anak na si Sixto, sa pagpapaunlak at kwentuhan)

DANILO ACOSTA LUMABAS

One thought on “Labanan sa Pasong Balite (Brgy. Gen. T. De Leon)

Add yours

Leave a comment

Blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started