Si Kapitan Delfin Velilla

Isinilang si Delfin Velilla y Paez noong Marso 1, 1868 sa barrio ng Balangkas, bayan ng Polo. Ang kanyang mga magulang ay sina Luis Velilla, isang manunugtog ng biyulin at isang nagngangalang “Aling Pepiang” na nagmamay-ari ng isang tindahan noon.

Walang mga malinaw na tala tungkol sa sa naging kabataan ni Delfin Velilla, liban sa siya ay nagkaroon ng interes sa pagtugtog ng biyulin tulad ng kanyang ama. Kumuha siya ng kursong medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas, ngunit hindi niya ito natapos nang sumiklab na ang Himagsikan noong 1896,

Bahagi ng tala mula sa Unibersidad ng Santo Tomas kasama ang pangalan ni Delfin Velilla bilang isang estudyante ng medisina (kuhang larawan ni G. Jonathan C. Balsamo, halaw mula sa https://www.facebook.com/photo/?fbid=10212000786478564&set=pcb.10212000786598567

Sumapi siya sa Katipunan sa Polo na noo’y pinamumunuan ni Cornelio Lozada. Ang kanilang langay ay binubuo ng 2000 kalalakihan. Tanging mga bolo at mga pinatulis na kawayan lamang ang kanilang sandata noon. Kalaunan, si Velilla at si Tiburcio de Leon ng Pugad Baboy (ngayon ay Barangay Gen. T. De Leon) ay naatasang lumikha ng mga dinamita at iba pang pampasabog para sa kanilang hanay.

Matapos sumiklab ang Himagsikan, ang pangkat nina Lozada, kasama si Velilla ay kaisang lumaban sa mga Espanyol, kung saan kinakailangan nilang magpalipat-lipat ng lugar upang humanap ng mapagtataguan. Mula sa lugar ng Pasong Balite (ngayon ay nasa Barangay Gen. T. De Leon), sila ay nagtungo sa Novaliches at San Jose del Monte sa Bulacan hanggang sa sila ay nagtuloy sa Norzagaray, Mula sa Norzagaray, sila ay sumapi na sa isang grupo na pinamumunuan ni Gregorio del Pilar, kung saan sila ay naging malapit na magkaibigan.

Nang sumiklab na ang Digmaang Pilipino-Amerikano, muling lumaban ang hanay ni Del Pilar at, nang natalo sila sa ilsang labanan sa Caloocan, sila ay umatras patungong Bulacan, kung saan sa naganap na Labanan sa Quingua (ngayon ay bayan ng Plaridel) ay napatay si Delfin Velilla sa gulang na 31. Siya ay inilibing sa sementeryo ng Quingua.

Isang bantayog ang ipinatayo sa Barangay Arkong Bato lungsod ng Valenzuela bilang pagpaparangal sa naging kabayanihan ni Kapitan Delfin Velilla. Gayundin, ilang mga kalsada sa lungsod ang ipinangalan sa kanya.

DANILO ACOSTA LUMABAS

_________________________________________

MGA SANGGUNIAN:

Cruz, Isaac C. (1985). Gregorio H. del Pilar: Idol of the Revolution. Samahang Pangkalinangan ng Bulakan.

5 Young Pinoy Heroes Who Did Amazing Things Nobody Talks About. Retrieved from http://www.filipiknow.net/young-philippine-heroes

One thought on “Si Kapitan Delfin Velilla

Add yours

  1. Thanks very informative. I dont know much about him except he is one of my grandfather from polo bulacan.

    Like

Leave a comment

Blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started