Polo: Ang Bayang Minsang Hinati at Muling Pinagsama

Ang kagustuhan ng mga nayon sa silangang bahagi ng bayan ng Polo na makapagsarili, na kinabibilangan ng Bignay, Punturin, Lawang Bato, Lingunan, Bagbaguin, Canumay, Caruhatan, Malinta, Maysan, Mapulang Lupa, Paso de Blas, Ugong, Torres Bugallon at Marulas, ang siyang nagtulak sa ilang mga mambabatas at ilang mamamayan ng Polo na gumawa ng hakbang upang ihiwalay ito sa sentro ng Polo.

Ang unang pagtatangka ay nangyari noong taong 1953, nang magpanukala si Eusebio de Leon, kasama sina Faustino Cruz, Gregrorio Marcelo, Ignacio Santiago, Arsenio Valencia, Enrique Bautista, Simeon Natividad, Vicente delos Reyes at Simplicio delos Santos, para sa paghihiwalay ng naunang labing-apat na nayon upang bumuo ng isang hiwalay na bayan. Ito ay dahil sa pakiwaring sila ay napapabayaan ng pamahalaang bayan. Matatandaan na ang sentro o poblacion ng bayan ay umiikot sa mga nayong malapit sa Simbahan ng San Diego de Alcala. Hindi ito naisakatuparan dahil sa pagtutol ni Arsenio Sebastian kaya saglit na natigil ang panawagang ito.

Lumang gusaling-pampamahalaan ng munisipyo ng Polo

Ang isyu sa paghahati ng bayan ay nahaluan ng kulay pulitika, nang ang mga kasapi ng Partido Nacionalista nang mga panahong iyon ay sang-ayon sa paghahati ng Polo, habang ang mga nasa Partido Liberal at tutol sa nasabing panukala. Nasubukan ito nang, sa ikalawang pagkakataon, ay muling binuhay ang panawagan ng paghahati sa bayan. Noong Nobyembre 20, 1959, nagpasa ang konseho ng Polo (karamihan ay mga Nacionalista) ng Resolusyon Blg. 192 upang hilingin sa noon ay Pangulong Carlos P. Garcia, na maglabas ng kalatas na bubuo sa magiging bagong munisipalidad ng Valenzuela, mula sa pangalan ng bayaning si Dr. Pio Valenzuela na tubong Polo. Ang bagong panukalang bayan ay bubuuin na lamang ng sampung nayon: Malinta, Marulas, Caruhatan, Torres Bugallon, Ugong, Mapulang Lupa, Bagbaguin, Paso de Blas, Canumay at Maysan. Idinulog ito sa lupong panlalawigan ng Bulacan. Matapos itong pumasa sa lupon at iniakyat ito sa Pangulong Garcia, ngunit kanya itong naunang tinanggihan.

Naging pansamantalang gusaling-pampamahalaan ng bagong-tatag na bayan ng Valenzuela matapos ang paghahati

Sa ikatlong pagkakataon, noong Mayo 4, 1960, naghain ng Panukalang Batas Blg. 4885 si Kinatawan Rogaciano

Mercado sa Kongreso na bubuo ng munisipalidad ng Valenzuela. Sa kabila ng pagtutol ng ilang mga senador sa panukala, nakapasa ito sa Kongreso sa ikatlo nitong pagbasa noong Mayo 18, 1960. Mula rito, ito ay iniakyat sa Pangulong Carlos P. Garcia, kung saan, noong Hulyo 21, 1960, kanyang nilagdaan ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 401 na lilikha sa bagong bayan ng Valenzuela. Dahil dito, nahati ang lumang bayan ng Polo: ang Polo sa hilaga, at ang Valenzuela sa timog.

Mapa ng paghahati ng lumang bayan ng Polo: ang Polo sa hilagang hati, at ang Valenzuela sa katimugang hati

Ang pagkakahati ng bayan ng Polo sa dalawa at ang pagkakalikha ng Valenzuela ay nagdulot ng ilang mga isyu at suliranin. Inakala ng mga tao na babagal ang pag-unlad ng dalawang bayan bunga ng pagkakahati, ang pangamba nab aka magdulot ito ng polarisasyon (paglipat ng bigat ng kapangyarihan ng isang bayan). Nangangamba rin ang ilan na baka hindi sapat ang kikitain ng dalawang bayan. Isa sa mga kinaharap na suliranin ay ang kinaharap na krisis-pulitikal, kung saan ay marami ang nag-aagawan sa pwesto bilang Punong Bayan.

Dahil sa mga sumunod na nangyari, nagkaroon ng isang konsultasyon hinggil sa panukalang pag-isahing muli ang dalawang pinaghiwalay na bayan ng Polo at Valenzuela, sa pangunguna ni Pangulong Diosdado Macapagal. Marami ang sumang-ayon sa pagsasanib ng dalawang bayan, sa kondisyong ililipat ang bahay pamunuan ng Polo sa silangang bahagi ng bayan. Bunga nito, naglabas ang Pangulong Macapagal ng isang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 43 noong Setyembre 11, 1963, na nagsasanib sa dalawang bayan ng Polo at Valenzuela. Sa pagkakataong ito, makikilala na ang bagong buong-muli na bayan na Valenzuela. Kaya simula taong 1963, ay kikilalanin na ang bayan ng Polo sa bago nitong pangalan na Valenzuela.

DANILO ACOSTA LUMABAS

Sanggunian:

Galinato , Epifanio R., 132nd Birth Anniversary of Dr. Pio Valenzuela Souvenir Program (2001), pp. 14-15.

________, From Polo to Valenzuela: A Brief Historical Background. Retrieved from http://museovalenzuela.blogspot.com/2012/09/from-polo-to-valenzuela-brief.html

One thought on “Polo: Ang Bayang Minsang Hinati at Muling Pinagsama

Add yours

Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started