Mga Palagay at Pag-aaral Hinggil sa Pinagmulan ng Pangalan ng mga Barangay sa Valenzuela

Lumaki ako sa Barangay Gen. T. De Leon, isa sa mga malalaking barangay dito sa Lungsod ng Valenzuela. Sa pagdaan ng taon, napagtanto ko na ang aming barangay ay nagdaan sa dawang ulit na pagpapalit ng pangalan: unang tinawag itong Pugad Baboy na naging Torres Bugallon na naging Gen. T. De Leon. Pero ano nga ba mayroon sa pangalan ng mga barangay?

Maraming mga lugar sa bansa na ikinakapit nila ang pangalan ng kanilang lugar sa mga “friar lores”, mga kwento na may ganitong istruktura: dumaan ang isang fraile o isang sundalong Kastila, tinanong ang pangalan ng lugar, hindi naintindihan ng napagtanungan ang tanong, natanga ang fraile o iyung sundalo, at iyon na ang itinawag sa lugar. Ngunit mas sasang-ayon ako sa sinabi ni Dr. Jaime Veneracion sa kanyang aklat na “Kasaysayan ng Bulacan”, na karamihan sa mga pangalan ng isang lugar ay nagmula sa mga pangalang-tanda, mula sa kung ano ang laganap na halaman o puno sa lugar na iyon, kung ano ang natatanging anyong-lupa o anyong-tubig dito, o isang natural formation na tampok sa lugar na ito. Kanya ring ipinaliwanag na maaaring nagdaan sa tatlong yugto ang pagpapangalan sa isang lugar: (1) naunang tinawag ng mga tao sa una ang lugar mula sa mga panandang-lugar, (2) sa pagdating ng mga Espanyol, ipinangalan ang lugar mula sa mga santo ng Simbahang Katoliko kung saan ay ginawa itong pintakasi ng lugar na iyon (hal. Santa Maria, San Jose del Monte, atbp), at (3) pagpapangalan mula sa mga natanyag na tao nang nabuo ang bayan o lugar na iyon (hal. Obando, Dona Remedios Trinidad, atbp.).

Sa kaso ng Valenzuela, ang tatlumpu’t tatlong barangay nito ay nagtataglay rin ng mga ganitong paliwanag.

Mahihinuha natin na magkakaugnay ang mga magkakakumpol na barangay na malapit sa mismong poblacion ng bayan, at ang mga nasa gawing-bukid noon ng bayan (kabuuan ng ikalawang distrito at bahagi ng unang distrito ng lungsod).

Matagal nang pinaniniwalaan ng lungsod na ang pangalan ng Polo (ang unang tawag sa Valenzuela) ay nagmula sa salitang Tagalog na pulo, na tumutukoy sa isang anyong-lupa na naliligiran ng tubig. Ang ganitong paliwanag ay maaaring gamitin sa dalawang barangay nito na malapit sa sentro ng bayan, ang Barangay Pulo (hindi ang Polo na bayan mismo) at Barangay Isla, na hayag na hayag ang kahulugan ng mga pangalan, dalawang barangay na parehong naliligiran ng mga estuaries ng Ilog Polo. Sa isang pagpapaliwanag naman ni Dr. Delos Reyes (2011), maaaring iba ang orihinal na pinagmulan ng Polo. Aniya, ang paraan ng pagbigkas sa pangalan ng Polo ay malumay at may impit, pakupya ang huling titik na O (PU-lo), na kung titingnan ang kahulugan nito sa diksiyonaryo ng UP, ito ay nangangahulugang nakabukod o nakahiwalay na pook, gaya ng kakahuyan sa gitna ng kapatagan. Ang paraan ng pagbigkas na ito ng Polo ay hawig sa paraan ng pagbigkas ng mga taal na Bulakenyo sa ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan (Ubando sa Obando, PaUmbong sa Paombong, MalUlos sa Malolos).

Ang Arkong Bato

Maliwanag na ang Barangay Poblacion ay ang sentro noon ng matandang bayan ng Polo. Maliwanag rin na mula sa isang uri ng bungang-kahoy (Diospyrus philippinensis) nagmula ang pangalan ng Barangay Mabolo. Sa mga kalapit at nakapaligid na barangay, makikita natin kaugnayan ng mga gawain ng tao at hanapbuhay nila sa pangalan ng lugar. Sa kaso ng Barangay Palasan, maraming palagay hinggil sa pinaghalawan ng pangalan nito: ang palasan ay isang tawag sa yantok; ang palas ay tumutukoy rin sa (a) isang uri ng tugi, isang halamang-ugat (Dioscorea esculenta) na ginagawang kakanin, (b) paraan ng patabas o pagpantay, o (c) tumutukoy sa isang sukat ng lupa (ang Palasan ay isang lupa na hiwalay sa Hacienda Malinta noon, na may sukat na 5 quinones at 6 balitas) na may katumbas na 13 ektarya). Mula sa barangay na ito inukit ang Barangay Arkong Bato, hango sa balantok na adobe na ipinagawa noong mga taong 1858 (HINDI 1910 tulad ng nakalagay na petsa sa itaas ng arkong bato) na siyang nagsisilbing marker na naghihiwalay noon sa Polo, Bulacan at Malabon, Rizal (ang Polo ay dating bahagi ng lalawigan ng Bulacan, at ang Malabon ay dating bahagi ng lalawigan ng Rizal).

Katabi ng poblacion ay ang Barangay Pariancillo Villa, hango sa salitang parian. Sa Maynila, ang parian ay tumutukoy sa settlement ng mga Tsino malapit sa Ilog Pasig. Maaaring tumutukoy ang lugar na ito na isang maliit na bersyon ng parian ng Maynila. Pinaniniwalaan na minsang pinanirhan ng mga Tsino ang lugar ng Pariancillo Villa noong panahon ng Espanyol. Kung susundin natin ang nakasaad sa Historical Data Papers ng Polo, ito ang nakasaad: “It was in this year (1719) when a notice was given to the mestizos (sangleys? – ang empasis ay akin) residing at “Pariancillo”, which is a street back of the church, that they vacate the place, but through the intercession of R. P. Fr. Guardiano and Don Fernandez Manuel, they promised to pay one-half of the tribute monthly if only they would be spared from returning to Sta. Cruz, Manila. This was an order of the governor-general, so Fr. Guardiano worked in behalf of the mestizos. The mestizos were allowed to continue staying in Pariancillo.” Hindi na natin alam kung ano na ang nangyari sa komunidad na ito ng mga mestizos pagkatapos nito.

Sa hilagang bahagi ng sentro ng bayan matatagpuan ang mga barangay na malapit na sa mga dugtungan ng Ilog Meycauayan at Ilog Polo. Ang Barangay Balangkas ay hango sa hanay ng kabahayan dito sa lugar na ito, ayon sa paniniwala ng mga taga rito. Ang Barangay Wawang Pulo ay ipinangalan dahil sa kanyang lokasyon, kung saan matatagpuan ito malapit sa wawa o bunganga ng Ilog Polo na unang pinanirhan ng iilang pamilya noon. Dahil sa nakakulong naman sa pagitan ng mga palaisdaan at latian ang Barangay Coloong kaya ito ang ipinapalagay na pinagmulan ng pangalan ng barangay.

Iba ang kwento na isinasalaysay ng pinagmulan ng pangalan ng Barangay Tagalag kung babasahin natin ang Historical Data Papers nito, pero minarapat ko nang huwag nang banggitin dito. Mas paniniwalaan ko ang teorya ni Dr. Delos Reyes hinggil sa lingguwistikong etimolohiya ng pangalan ng barangay. Ayon sa kanya, maaaring ang pangalan ay mula sa salitang talag, na nangangahulugang “gawaing pagpukpok sa metal upang pantayin, saparin, o hubugin.” Maaaring tumutukoy ito sa isang uri ng hanapbuhay na laganap noon sa lugar na ito. habang ang gitlaping -ag na inilagay sa salitang talag ay isang gitlaping pampasidhi. Mula sa Tagalag ay inukit ang Barangay Bisig, buhat sa Samahang Ang Bisig, isang organisasyon na naitayo sa lugar na ito sa pagtatapos ng digmaan. Sa paggamit din ng mga panlapi nakasalig ang mga barangay Pasolo at Malanday. Pinaniniwalaang ang salitang-ugat na landay na pinagmulan ng pangalan ng Barangay Malanday ay nangangahulugang (a) mababaw na hugis na parang plato at kabaligtaran ng malukong, o (b) pansamantalang himpilan kung magpapalipas ng gabi sa kagubatan, habang sinasabing nagmula sa salitang pulot pasolo (isang uri ng matamis galing sa tubo o sugarcane) ang pinagmulan ng pangalan ng Barangay Pasolo, sa kadahilangang maraming tubuhan sa lugar na ito na ginagawang pulot pasolo.

List of barangays in Valenzuela - Wikipedia

Patungo sa bahaging bukid at gubat ng lumang bayan ng Polo matatagpuan ang Barangay Rincon, na mula sa salitang Espanyol na rincon na nangangahulugang sulok, maaaring dahil ito ay nasa sulok ng mismong bayan. Mula dito ay magkakatabi na ang mga barangay na ipinangalan mula sa mga pangalang-tanda o laganap na tanim dito: ang Barangay Dalandanan mula sa mga tanim na dalandan (Citrus aurantium), mula sa taniman ng mais (Zea mays) ang Barangay Maysan, at mga kumpol na mga puno ng duhat (Syzygium cumini) ang saligang-ugat ng pangalan ng Barangay Karuhatan “nagpunta kami sa duhatan” (kilala rin ang puno at bunga ng duhat bilang lumboy, na pinagmulan ng isang barangay sa bayan ng Bocaue, Bulacan). Mula sa mga puno ng kanumay (Diospyros canomoi A. DC.) ipinangalan ang Barangay Canumay, na ngayon ay hinati na bilang Barangay Canumay East at Barangay Canumay West dahil sa NLEX na bumabagtas dito (kakatwa dahil ang puno ng mabolo at puno ng kanumay ay kapwa mga punong ebony ay nasa iisang uri o genus tulad ng sa kamagong). Sa dulong hilaga ng lungsod naman matatagpuan ang Barangay Bignay, mula sa mga puno ng bignay (Antidesma bunius), kung saan ang mga maliliit na bunga nito ay ginagamit bilang jam at alak. Ang lumang pangalan ng Barangay Paso de Blas na Hapay na Mangga mula sa isang tanim na puno ng mangga. Ang pangalan ng barangay ay maaaring mula sa isang tulisan (kung sino man itong Blas o Bolos na ito), kung kaya ipinangalan ang lugar na ito bilang Paso ni Bolos o Barangay Paso de Blas.

Sa kaso ng mga Barangay Veinte Reales at Lingunan, hinihikayat na magkaroon pa ng mas malalim na pananaliksik hinggil sa pinagmulan ng lugar, bagaman may mga laganap na pala-palagay na pinagmulan. Ayon sa kwento, ang pangalan ng Barangay Veinte Reales (hindi Viente Reales, tulad ng mga nakikita ko sa ibang mapa) ay nagmula sa paniniwala na ang lugar na ito ay binili ng mga unang nanirahan dito sa isang mayamang Espanyol ng isang real (ang real ay ang tawag sa salapi na ginagamit noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol) bawat sukat ng lupa, samakatuwid, may dalawampung sukat ng lupa ang binili nila sa halagang dalawampung real o veinte reales. Ang kwento naman ng pinagmulan ng Barangay Lingunan ay isang halimbawa ulit ng mga laganap na kwento-kwento (lores) ng isang Kastilang nagkamali ng pagkakarinig sa pangalan ng isang lugar (“Lingap ang Unan” na pinagmulan daw ng Lingunan). Wala kasi itong pinag-iba sa kwento ng taga at ilag ng Barangay Tagalag, at ang mas malala, ang kwento ng mag-amang nag-iinuman na pinagmulan ng lugar ng Tagaytay. Mas nais kong tingnan ang pinagmulan ng pangalan nito bilang isang buong salita: lingunan. Ngunit, ano ang kailangang lingunan o balikan? Nang minsan akong napadaan sa T. Santiago Street sa Lingunan, napansin ko na ang kalsadang ito ay nakatuntong sa ibabaw ng burol, tanaw ang Canumay sa paanan nito (malapit sa pabrika ng Splash). Baka ito ang nililingunan. Katulad ng aking sinabi, mas mainam na alamin pa sa pamamagitan ng isang mas malalim na pananaliksik ang pinagmulan ng barangay na ito.

Sa dulong silangang bahagi ng lungsod na ito ay ang mga barangay na ipinangalan dahil sa katangian ng lupa rito. Dahil sa ang bahaging ito ng Valenzuela ay bahagi ng serye ng mga gulod o burol ng adobe patungo sa paanan ng Sierra Madre, makikita na hindi magkakapantay ang elebasyon ng mga lupa dito at kakikitaan ng mga magkakarugtong na gulod at matataas na bahagi ng lupa, taliwas sa halos patag at mababang lupa sa kanlurang bahagi ng lungsod. Kaya hindi nakapagtataka na mula sa mga mabababang burol o puntod (hindi ito tumutukoy sa libingan) at mga nakausli at mababatong bahagi nagmula ang pangalan ng Barangay Punturin; mula sa mga magkakasamang mga batong adobe nabuo ang pangalan ng Barangay Lawang Bato, at hango naman sa salitang bagbag o burol ang Barangay Bagbaguin dahil dating mabato at matigas ang lupa dito na nasa ibabaw ng mga burol (may isang lugar sa Novaliches na ang pangalan ay Bagbag dahil sa elebasyon nito mula sa patag na lupa). Ang ragasa ng ilog ng Tulyahan o ang pagpito ng hangin na naririnig sa lugar na ito dahil sa kataasan ng bahaging ito ng Valenzuela maaaring hinango ang pangalan ng Barangay Ugong. Ang alluvium na nagpapapula naman sa lupa rito ang maaaring pinagmulan naman ng pangalan ng Barangay Mapulang Lupa. Ang komposisyon ng lupa rito, na nagiging madulas kapag umuulan, dagdag pa ang pagiging maburol ng lugar na ito ang pinaghanguan ng pangalan ng Barangay Marulas, habang ang pagiging ilang ng lugar na ito, at ang pagiging maburol nito ay naging mainam na lugar upang panirhan ng mga ilang na hayop, kabilang dito ang mga baboy-ramo, ang pinaghanguan ng unang pangalan ng Barangay Gen. T. De Leon na Pugad Baboy (ang pangalang Pugad Baboy ay pinalitan ng Barangay Torres Bugallon, hango sa pangalan ni Jose Torres Bugallon, isang Espanyol at isa sa mga mahahalagang tauhan ni Heneral Antonio Luna; at noong dekada 60 ay pinalitan bilang Barangay Gen. T. De Leon, hango kay Heneral Tiburcio de Leon, isang Katipunero at pinuno ng mga Pilipinong lumaban sa mga Espanyol, at nanirahan sa bahaging ito). Mula sa barangay na ito inukit ang Barangay Parada, kung saan sinasabi na ito ay mula sa: (a) ayon sa isang tala, na ang barangay na ito ay ipinangalan sa isang Senor Parada (?), o kaya (b) himpilan ng mga sasakyan, o kaya ay (c) tumutukoy sa lugar bilang daanan ng prusisyon o banda ng musiko dati.

Kung titingnan sa mapa, ang mga binanggit na barangay mula Punturin hanggang Marulas ay nasa iisang hanay lamang sa silangang bahagi ng lungsod.

Ang malaking bahagi ng bahaging bukid at gubat na ito ng matandang bayan ng Polo ay bahagi ng isang mas malawak pang lupain na kung tawagin noon ay Hacienda de Malinta (basahin ang aking hiwalay na blog na “Ang Hacienda de Malinta” hinggil sa mga detalye) na pinamahalaan ng mga prayleng Agustino, kung saan ay maaaring ang kasalukuyan ngayong Barangay Malinta ang sentro, dahil sa pagkakaroon ng isang simbahan dito na naitayo bago pa ang taong 1899. Batay sa isang ulat na ginawa ng mga Amerikano habang nagaganap ang Labanan sa Malinta, ang mga Pilipino ay nakaabang na sa kanilang pagdating habang nakatago sa isang simbahan sa Tangke Malinta na may “apat na pulgada ang haba.” Iniulat pa na, “…they [Filipino] had measure the ground from the railroad brigade to the church and at seventy five yard intervals had erected large poles bearing flags. By means of these markers, they were able to determine the exact range of attacking troops.” Kung nasaan man ang simbahang ito ay wala nang nakaaalam. Ipinapalagay na dahil sa lipos ng linta ang lugar na ito dahil sa kalapitan nito sa Ilog Polo, kung kaya ipinangalan ang lugar na ito na Malinta.

DANILO ACOSTA LUMABAS

Mga Sanggunian:

Delos Reyes, Joselito G. (2011). Dulas, Linta, Dalandan, Talag, at iba pang Pangalang Pananda at Pang-alaala: Panimulang Pag-aaral sa Etimolohiya ng mga Barangay sa Valenzuela. Retrieved from https://superkabado.blogspot.com/2011/03/dulas-linta-dalandan-talag-at-iba-pang_27.html?fbclid=IwAR1YCmvVvJ3CY2Br61PUiFFMs4AFKANyx2OBaGGwQRPRoJtLxjO7vBiTRNs

Gracio, Jerry B. (2012). Ang Pagkubkob sa Malinta. Retrieved from http://kumusta2012.weebly.com/uploads/1/2/5/5/12550939/pagkubkob_sa_malinta_-_gracio.pdf

Historical Data Papers (Polo). (1953) National Library of the Philippines.

Veneracion, Jaime B. (1986) Kasaysayan ng Bulacan. Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan, Germany.

Pasasalamat kay Arch. Gerald Lico para sa paglilinaw hinggil sa Arkong Bato

Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started