Ang Barangay Gen. T. De Leon sa Paglipas ng Panahon

Ang Barangay General Tiburcio de Leon (mas kilala na Gen. T. De Leon, GTDL o GenT) ay ang pinakamalaking barangay sa lungsod ng Valenzuela, kapwa pagdating sa teritoryo at populasyon. Ito ay may kabuuang sukat na 366.9 hektarya o sumasaklaw sa 8.23% na bahagi ng buong kalupaan ng lungsod. Sa pinakahuling datos na hawak ng barangay noong 2015, ito ay mayroong 89,441 mamamayang naninirahan dito, o may 14.42% ng kabuuang populasyon ng lungsod. Ang Gen. T. De Leon ay napaliligiran ng mga sumusunod: ang Barangay Ugong at ang Sta. Quiteria sa Lungsod ng Caloocan, Ang Barangay Marulas sa timog, ang Barangay Karuhatan, at ang mga Barangay Maysan at Parada sa hilaga nito.

Isa sa mga lumang larawan ng Barangay Gen. T. de Leon

Kapansin-pansin ang katangiang pisikal ng barangay na binubuo ng mga hindi magkakapantay na elebasyon ng lupa at serye ng mga gulod na kapansin-pansin rin sa kaanyuan ng lupa sa malaking bahagi ng barangay, na mapapansin sa mga pangalang-tawag sa ilang lugar dito (hal. Sitio Bitik, hango sa salitang bitik na tumutukoy sa patibong na ginagamit na panghuli sa mga hayop sa gubat at ilang; Sitio Kabatuhan, na tumutukoy sa mga gulod o burol na binubuo ng mga batong adobe).

Ang lugar na ito ng Gen. T. De Leon ay unang tinawag bilang Pugad Baboy, dahil sa paniniwala na ang bahaging ito ay minsang pinanirhan ng mga ilang na hayop, tulad ng baboy ramo.

Ang mga tektites na bahagi ng Henry Otley Beyer Collection, ngayon ay nasa Planetarium. Ang mga ito ay nahukay sa Pugad Baboy (ngayon ay Gen. T. De Leon)

Maaaring ang lugar na ito ng Pugad Baboy ay pinanirhan na ng ilang tao noong unang panahon. Sa naging pananaliksik ni Dr. Henry Otley Beyer hinggil sa mga tektites sa ilang lugar sa Luzon mula noong taong 1926, natuklasan niya ang ilang mga tektites at mga batong obsidian sa bahagi ng Pugad Baboy, at kung saan ilan sa mga nahukay na bato ay kinakitaan ng pagtatapyas na maaaring ginamit bilang kasangkapang bato na maaaring ginamit sa pangangaso, patunay ng pagkakaroon ng sinaunang pananahanan na sa lugar na ito.

Mula sa masukal na lugar na pinaninirhan ng mga ilang na hayop, ay nagsimulang pinanirhan ng tao ang Pugad Baboy at kinakitaan ng pagbabago. Isang tulay na bato ang unang naipatayo noong taong 1875 (bagaman una itong nasira dahil sa malakas na bagyo ng 1882) na nagdurugtong sa Pugad Baboy sa silangan at ng lugar ng Sta. Quiteria sa Caloocan.

Ang mga guho (ruins) ng Bahay Pari sa ibabaw ng burol ng Pasong Balite, at ang mga naiwang batong adobe ng sinasabing kumbento

Noong 1897, nagkaroon ng isang labanan sa pagitan ng mga Katipunero sa pangunguna ni Heneral Tiburcio de Leon at ng mga Kastila, sa bahagi ng Pasong Balite (tingnan ang aking hiwalay na artikulo hinggil sa Labanan sa Pasong Balite). Batay sa iba’t ibang liham hinggil sa insureksiyon na binanggit ni Mariano Ponce na nasa Hong Kong sa kanyang liham kay Ferdinand Blumentritt, Mayo 6, 1897, isinasaad dito na:

“Noong ika-30 ng Marso (1897), dakong alas-nuwebe ng umaga sa Pasong Balite (Polo, Bulacan), lumusob ang isang pangkat ng mga Kastila kasama ang ilang boluntaryo mula sa bayan ng Sta. Maria. Sinalubong sila ng 120 insurekto, sampu ng mga ito ang nakakabayo. Armado ang mga insurekto ng lantaka at iba pang uri ng armas. Tumagal ang labanan nang 5 oras hanggang sa nagsipag-atrasan ang mga Kastila sa sigaw ng “Viva Espana!” Iniwan nila ang 58 patay; kabilang dito ang kanilang pinunong kapitan at isang tenyente. Umabot sa 183 ang sugatan ng mga Kastila ayon sa 8 sugatang preso na kasalukuyang inaalagaan.”

Isang pagbibinyag na isinasagawa ng FEBC sa Ilog Tulyahan. Makikita pa rito ang guho ng tulay na adobe na nagdurugtong sa Pugad Baboy at Malabon (larawang-kaloob ni G. Jonathan C. Balsamo)

“Noong ika-2 ng Abril, sinalakay muli ang Pasong Balite ng tropa mula sa Novaliches, San Francisco del Monte, Caloocan at Polo. Ipinagtanggol ni Capistrano kasama ng 50 Tagalog ang nabanggit na lugar. Tumagal nang pitong oras ang labanan. Nang makita ng mga Tagalog na paubos na ang kanilang bala, iniwan nila ang kanilang trintsera at tumakas patungo sa mga istratehikong lugar. Ito ay naganap matapos nilang sugatan ang 200 sa mga kalaban.”

Ang mga labanang ito ay naganap sa lugar ng Bahay Pari, na pinaniniwalaang guho ng isang kumbento ng mga Heswita na ipinatayo noong ika-18 dantaon at napabayaan dahil sa pag-alis ng mga Heswita sa Pilipinas (bagamat nagsasagawa pa ng pananaliksik upang mapatunayan ang kwentong ito). Pinaniniwalaan na kasabay ng pagpapagawa ng istrukturang ito ay ang pagpapagawa ng tulay na bato na dumadaan sa Ilog Tullahan at minsang nagdugtong sa lugar ng Pugad Baboy at Sitio Tangke sa Malabon.

Sa matagal na panahon, ang lugar na ito ng Pugad Baboy ay pinaninirhan ng mga matatandang pamilya tulad ng mga De Leon, Demetillo, Francisco, Angeles, Urrutia, Bernardino at Lazaro. Nang simula nang makilala bilang isang baryo ang lugar na ito, ito ay sinimulang pamunuan ng mga iba’t ibang teniente del barrio tulad nina Fausto Francisco, Vicente Francisco, Placido de Guzman, Lucio Bernardino, Domingo Ilocto, Enrique Sanchez, Martin De Los Reyes, Ceferino Luzon, Gregorio de Leon, Miguel de Leon, Jose Galguera, at Joaquin Policarpio (na mapapansing ipinangalan na sa mga hayag na kalsada ng barangay ngayon).

Isa sa mga lumang larawan ng Barangay Gen. T. de Leon

Pinaniniwalaang noong mga unang bahagi ng ika-20 siglo ay naipatayo ang unang bisita sa lugar na ito ng Pugad Baboy, at itinalaga ito sa ilalim ng pamimintakasi ng Senor Santo Cristo at Mahal na Birhen ng Santo Rosario. Ayon kay Benita De Leon, minsang nawala ang imahen ng Senor Santo Cristo sa kanyang kapilya. Sinasabing isang naninirahan sa Pugad Baboy ang nakapanaginip sa imahen ng Senor Santo Cristo na “giniginaw at basa sa ulan”, at kung nais nilang mahanap ito ay puntahan nila ito sa likod ng Simbahan ng San Roque sa Caloocan. Sa pagtungo nila rito ay nahanap nila ang imahen at ito ay iniuwi nila sa kanyang bisita sa Pugad Baboy. Ito ang simula ng kanilang pagdiriwang ng pistang baryo at pistang pasasalamat tuwing ika-20 ng Mayo upang alalahanin ang pagkakatagpo sa imahen ng Senor Santo Cristo.

Naging taguan ng mga pwersang gerilya ang Pugad Baboy noong ang bansa ay nasailalim sa okupasyon ng mga Hapones, bagaman walang anumang natukoy na pagkilos mula sa bahagi ng mga naninirahan sa Pugad Baboy upang tumulong sa mga gerilya.

Noong taong 1946 nang simulang tawagin ang Pugad Baboy sa bago nitong pangalan: Torres Bugallon. Hango sa pangalan ni Komandante Jose Torres Bugallon, isang opisyal ng militar na lumaban sa mga Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Antonio Luna. At noong taong Pebrero 18, 1968 ay muling pinalitan ang pangalan ng barangay na ito, mula Torres Bugallon upang maging General Tiburcio de Leon, sa pamamagitan ng Kapasyahan Blg. 51 ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan.

Sa pagtatapos ng digmaan, ay unti-unting dumami ang mga naninirahan sa Gen. T. De Leon. kasabay nito ay ang paglitaw ng mga establisimiyento at mga sentro ng komersyo. Mula sa paaralang primarya na natapos noong 1952, dumami ang mga paaralan dito, kasama ang mga pribadong paaralan. Umusbong ang mga iba’t ibang subdibisyon dito.

Sa kasalukuyan, ang barangay Gen. T. De Leon ay naging tagpuan ng mga iba’t ibang pananampalataya. Bukod sa Parokya ng Banal na Krus ng Simbahang Katoliko (na naging isang ganap na parokya noong Oktubre 13, 1990), makikita rin dito ang mga pook-sambahan ng Iglesia Filipina Independiente, Iglesia ni Cristo, Wesleyan Church, Seventh-Day Adventist, Church of Jesus Christ of the Latter-Day Saints, at Jehovah’s Witness. Sa larangan naman ng edukasyon, matatagpuan dito ang may 13 paaralang pre-school, 11 paaralang elementarya, 9 na paaralang sekundarya, 2 kolehiyo at 1 paaralang bokasyunal.

DANILO ACOSTA LUMABAS, LPT

_________________________________________________________

Mga Sanggunian:

Historical Data Papers (Polo). (1953) National Library of the Philippines.

_____________________ (2015). Aklat Pang-alaala, Ika-25 Taong Pagkatatag ng Parokya. Parokya ng Banal na Krus: Valenzuel City. Pah. 9-10.

_____________________ (2019). The Beyer collection of tektites. Retrieved from https://medium.com/the-history-of-collecting/the-beyer-collection-of-tektites-4182eb0781a6.

Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑

Design a site like this with WordPress.com
Get started